GENERAL SANTOS CITY – Pitong sports utility vehicle (SUV) ang sinunog ng dalawang lalaking suspek.
Ayon kay Senior Fire Officer 1 Oliver Alfeche, Arson investigator ng Bureau of Fire Protection Gensan na nagpatuloy ang ginagawang imbestigasyon at pagtitipon ng mga CCTV footage sa nangyaring insidente.
Nangyari ang unang sunog alas 3:00 ng umaga hanggang alas 4:00 ng madaling araw kahapon Nobyembre 10, 2023.
Unang nirespondihan ang nasunog na isang Montero sa Naranjita Street Barangay Dadiangas South.
Makalipas ang 30 minuto nakatanggap ulit ng tawag sa isa pang sunog na nasa kabilang kalye lamang na kaagad namang nirespondihan ng mga personahe ng BFP-GENSAN.
Ang nasunog ay isang Strada pick-up subalit kaagad na naapula dahil ginamitan ng fire extinguiser.
Pangatlong insidente ay nangyari sa Camia Street Barangay Dadiangas East na isang Expander unit na nasundan pa ng pagkasunog ng isang Ford territory sa Cabe Subdivision Barangay Lagao nitong lungsod.
Habang pabalik na sa kanilang estasyon ang grupo ni SFO1 Alfeche , may isang tawag na naman ang kanilang natanggap na may sunog na nangyari sa Niyog Street sa Barangay Dadiangas South kung saan tatlong sasakyan ang involve.
Wala pang inilabas ang mga otoridad na motibo sa ginagawang imbestigasyon habang wala pang damage assessment dahil ibabase umano ito sa affidavit of loss na isusumite ng mga may-ari ng sasakyan.
Sa kabilang dako naman, wala pang 24 oras, nahuli na ng mga otoridad ang isang suspek habang patuloy na hinahanap ang isa pang kasama nito.
Nalaman na ito ang unang pagkakataon na may sunod-sunod na sunog kung saan mga mamahaling sasakyan ang naging subject sa krimen.