-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nadagdagan pa ng pitong mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang sumuko sa militar sa Maguindanao sa tulong ng ilang local officials.

Ang mga ito ay sumuko sa 2nd Mechanized Infantry Battalion sa pamumuno ni Lt. Col. Omar Orozco sa headquarters nito sa Brgy. Midtimbang, Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao.

Sinabi ni Orozco na ang pagsuko ng mga BIFF ay palatandaan na kumbinsido sila sa peace program ng pamahalaan.

Ang mga ito ay iniharap ni Orozco kay 6th Infantry Division assistant commander BGen. Jose Narciso, 1st Mechanized Brigade commander Col. Pedro Balisi at Mayor Midpantao Midtimbang Jr ng Guindulungan.

Ayon sa isang kasapi ng BIFF na hirap na sila sa pagtatago sa tropa ng pamahalaan at nais nilang magbagong buhay na. Kabilang sa kanilang isinuko ang isang 60 mm mortar launcher, isang .50-caliber barret sniper rifle, isang M-16 rifle, isang Garand at isang converted M14 rifle.

Pinuri naman ni 6th ID chief MGen. Juvymax Uy ang tulong ng mga local official upang makumbinsi ang BIFF na sumuko.

Nasaa 78 BIFF members na sa ngayon ang sumuko dala ang kanilang armas sa mga sundalo.