MANILA – Limang COVID-19 vaccination site sa National Capital Region (NCR) ang maghahati-hati sa inisyal na 15,000 doses ng Sputnik V vaccines.
Ayon sa Department of Health (DOH) kabilang dito ang mga ospital at vaccination sites ng local governments sa mga lungsod ng:
MAKATI
- Makati Coliseum
TAGUIG
- Lakeshore Vaccination Hub
PARAÑAQUE
- Ayala Malls Manila Bay
MANILA
- Sta. Ana Hospital
- Ospital ng Maynila
MUNTINLUPA
- Asian Hospital and Medical Center
- Ospital ng Muntinlupa
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ito ang unang beses na tatanggap ang bansa ng bakuna na may sensitibong storage requirement, kaya limitado muna ang mga lugar na binigyan ng supply.
“In the past years when we were handling vaccines, its storage and distribution, hindi pa tayo nagkakaroon ng ganitong experience na klaseng temperature, that’s why we call it initial implementation.”
“We would like that we can see how we are going to manage it, store, and distribute properly.”
Nangangailangan ng -18 degree storage facility ang bakuna na Sputnik V, na gawa ng Gamaleya Research Institute sa Russia.
Ang mao-obserbahan daw sa pagbabakuna sa naturang vaccination sites ang pagbabasehan ng DOH sa pagro-rolyo ng Sputnik V sa ibang bahagi ng bansa.
“We have a storage site that is equipped with this kind of temperature… for these areas we have identified, nagkaroon sila ng storage, pinaghandaan nila.”
Tiniyak ni Vergeire na makakatanggap din ng Sputnik V doses ang ibang lalawigan at rehiyon dahil may kapasidad din naman ang mga ito na humawak ng bakunang may sensitibong storage requirement.
Kabilang sa tinitingnan ng DOH na tatanggap ng susunod na doses ng Russian vaccines ang Davao, Cebu, Calabarzon, Central Luzon, at Western Visayas.
“Mayroon na tayong kausap na logistical firms kung saan they have that capacity to transport these kinds of vaccines… we have the capacity to do this.”
Batay sa iginawad na emergency use authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA), inirerekomenda ang pagtuturok ng Russian vaccine sa mga may edad 18-59 years old.
Kaya naman ang mga healthcare workers at may comorbidity o ibang sakit muna ang mabibigyan ng naturang bakuna.