-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Kasalukuyang nasa pangangalaga na ng Bureau of Quarantine (BOQ) sa Maynila ang pitong Negrense na dumating sa Pilipinas mula South Africa bago pa man ipinatupad ng national government ang temporary travel ban dahil sa nadiskubreng bagong variant ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay provincial administrator Atty. Rayfrando Diaz, hawak na ng kapitolyo ang listahan ng mga pangalan ng mga Negrense travelers na nasa BOQ.

BOQ Quarantine

Ayon kay Diaz, hindi pa naglabas ng impormasyon ang BOQ kung overseas Filipino workers o mga returning residents ang dumating ngunit lumapag ang mga ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong nakaraang linggo.

Nabatid na Nobyembre 27 nagpatupad ng travel ban ang Pilipinas.

Sa ngayon, naka-quarantine ang mga ito sa Manila at hindi rin makakauwi kung walang negative RT-PCR test na siyang protocol sa mga returning residents mula abroad.

Umaasa naman ang provincial administrator na ligtas ang mga Negrense at negatibo sa bagong Omicron variant.

Samantala, ang tatlong foreigners mula sa South Africa na dumating sa Negros Occidental bago pa man ang travel ban ay naka-quarantine sa local government unit na kanilang pinuntahan.

Ang naturang mga banyaga na consultant ng isang power firm sa Negros Occidental ay dumating nitong nakaarang linggo.

Ayon kay Diaz, ang dalawang foreigner ay lumapag sa NAIA nitong Nobyembre 24 at dumating sa probinsya nitong nakalipas na Nobyembre 25.

Ang isa namang consultant ng bio-energy ay dumating sa Pilipinas noong Nobyembre 26.

Sasailalim sana sila sa quarantine sa hotel sa Bacolod ngunit hindi pumayag ang city government kaya ang kanilang kompanya na lang ang nag-quarantine sa mga ito sa bayan ng Pontevedra at Manapla.

Tiniyak naman ng opisyal na naisagawa na ang contact tracing sa mga ito at hindi naman sila pinahintulutan ng kanilang kompanya na mag-report kaagad sa trabaho kung nanggaling sa abroad.

Tumuloy umano ang mga ito sa kanilang staff house at hindi nakipagsalamuha sa ibang workers.

Nagpakita na rin ang mga ito ng negative RT-PCR test at fully vaccinated na bago ang kanilang biyahe na siyang requirement sa S-PASS application.

Sa kabila nito, sasailalim ulit sa RT-PCR test ang mga foreigner ngayong araw habang sila ay naka-quarantine at inaasahang lalabas agad ang resulta.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, kung magpositibo ang RT-PCR test ang mga foreigner, ipapadala ang kanilang mga sample sa Philippine Genome Center upang madetermina kung Omicron variant ang humawa sa kanila.