-- Advertisements --
IMG20190503144406

Humaharap ngayon sa patong-patong na kaso ang pitong Nigerian nationals na natimbog sa Imus, Cavite.

Ang mga suspek ay sangkot sa tinatawag na love scam o catfishing.

Ang love scam ay isang modus na kukuhanin ang loob at hikayatin ang mga biktima nito na mag-invest ng pera sa kanila kapalit ng malaking kita o return of investment.

Sa press conference na ipinatawag ng National Bureau of Investigation (NBI), bukod sa love scam, sangkot din umano ang mga suspek sa iba pang krimen gamit ang internet gaya ng credit card skimming.

Mahaharap ang mga banyaga sa kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.

Una rito, sa isinagawang operasyon, natimbog ang pito sa NBI-Cybercrime Division sa kanilang tinutuluyang unit sa Isabel Building Urban Deca Homes Hompton Brgy. Buhay na Tubig.

Na-recover mula sa mga suspek ang anim na laptop, 11 mobile phones, isang skimming device, granada, isang 9mm pistol, walong bundle ng pekeng dolyar at mga credit cards.

Inaalam na rin ng NBI kung ilang taon nang nag-o-operate ang grupo sa bansa at kung ilang libo o milyong piso na ang nakulimbat ng mga ito sa kanilang biktima.