CENTRAL Mindanao – Sumuko sa tropa ng militar ang pitong mga kasapi ng New Peoples Army (NPA) sa probinsya ng Sultan Kudarat.
Ang mga sumukong NPA ay pinangunahan ni Kumander Oyet ng Platoon My Phone ng East Daguma Front, South Regional Command – Daguma, Far South Mindanao region.
Sumuko ang mga rebelde sa pwersa ng 7th Infantry (Tapat) Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lt. Col. Romel Valencia sa Old Capitol Barangay Calawag ll, Isulan, Sultan Kudarat.
Dala ng mga NPA sa kanilang pagsuko ang mga matataas na uri ng armas, pampasabog, mga bala at magasin.
Ang sunod-sunod na pagsuko ng mga rebelde ay bunga ng matagumpay ng Community Support Programs (CSP) Operation at pagpapatupad ng intensified Information Education Campaign ng 7th IB.
Sinabi ni Kumander Oyet na lubos ang kanilang pagsisisi kung bakit pumasok pa sila sa kilusan dahil gutom ang kanilang inabot at palipat-lipat nang taguan dahil sa patuloy na pagtugis ng militar.
Walang natupad daw sa pangako ng liderato ng NPA at mas lalo pa silang naghirap.
Makakatanggap ng tulong ang pitong NPA sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan.
Hinikayat muli ni 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Commander M/Gen. Juvymax Uy ang ibang mga NPA na sumuko na at mamuhay ng mapayapa.