-- Advertisements --

Umaabot sa pitong mga myembro ng New Peoples Army (NPA) ang nasawi at 11 ang sugatan sa engkwentro ng militar sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Nakilala ang mga nasawing rebelde na sina Abner Sanchez, Marco Santos, Efren Lantip, Samuel Orinday, Ruben Alferez, Marcial Tenor at Jaime Zapata.

Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central Commander Major General Juvymax Uy na tatlong beses na nakasagupa ng mga tauhan ng 603rd Brigade Philippine Army ang mga NPA sa bahagi ng Mount Lumuton sa Palimbang Sultan Kudarat.

Nakubkob ng mga sundalo ang kuta ng mga NPA kung saan itinaas ng mga local officials ang watawat ng Pilipinas kasama si MGen Uy.

Bago ang engkwentro ay tumanggap ng impormasyon ang militar mula sa mga sibilyan sa presensya ng mga NPA mula sa South Cotabato at Sultan Kudarat na magtitipon sana sa Mount Lumuton sa bayan ng Palimbang para sa selebrasyon ng kanilang anibersaryo ngayong araw.

Nagpasalamat si MGen Uy sa mga lokal na opisyal at mga sibilyan na nagbigay sa kanila ng impormasyon sa planong pagtitipon ng mahigit 200 NPA sa Mount Lumuton sa kanilang 52nd founding anniversary.

Pinuri naman ni Uy si 603rd Commander Colonel Eduardo Gubat,kanyang mga Battalion Commanders at tropa ng Tactical Operations Group 12 ng Philippine Air Force sa matagumpay na Commando operation.

Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng mga sundalo ang mga NPA sa Mount Lumuton sa Palimbang Sultan Kudarat.