-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Isa na namang tagumpay ang nakamit ng mga samahan ng Overseas Filipino Workers o OFWs sa Kidapawan City.

Ito ay makaraang makatanggap sila ng biyaya sa ilalim ng Tulong Puso grants mula sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA 12 at sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment o DOLE 12 bilang attached agency.

Ginanap ang ceremonial distribution ng Tulong Puso sa The Carpenter Hill, Koronadal City.

Ang mga mapalad na asosasyon ay kinabibilangan ng OFW Associations ng Sikitan, Linangkob, Habitat (Sudapin), Kalasuyan na pawang tumanggap ng first tranche at Gayola at Binoligan na pawang tumanggap ng second tranche, ayon kay Aida R. Labina, Public OFW Desk Officer o PODO ng Kidapawan City.

Tig-P300,000 na halaga ng tseke ang natanggap ng Sikitan at Linangkob OFW Associations habang tig-P400,000 naman ang Habitat (Sudapin), Kalasuyan, Gayola, at Binolagan OFW Associations.

Kaugnay, nito pinasalamatan ni Labina si OWWA 12 Regional Director Marilou Sumalinog sa kapaki-pakinabang ng programa ng tanggapan.

Dumalo din si DOLE 12 Assistant Regional Director Arlene Bisnon at sinaksihan ang pamamahagi ng pondo para sa mga OFW associations.

Pinasalamatan din ni Labina si Kidapawan City Mayor Atty Jose Paolo M. Evangelista sa patuloy na suporta sa PODO at sa mga OFWs sa lungsod.

Dumalo din sa nabanggit na ceremonial distribution si Surralah Municipal Mayor Pedro M. Matinong, Jr. at mga personnel mula sa tanggapan ni South Cotabato 1st District Representative Peter B. Miguel.

Layon ng Tulong Puso Program ng OWWA na suportahan ang mga lehitimong grupo o OFW associations sa pamamagitan ng pagbibigay ng grants upang magamit sa negosyo at iba pang uri ng livelihood o kabuhayan ng mga miyembro.

Nahahati naman ito sa tatlong bahagi – Livelihood Start-up o pagtatayo at pagsisimula ng negosyo, Livelihood expansion o pagpapalawak ng negosyo o pinagkakakitaan, at Livelihood Restoration o pagtulong sa mga negosyo o kabuhayan ng mga OFWs na matinding naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Kabilang naman ang mga nabanggit na OFW associations sa medium-sized OFW groups (16-30 members) kung kaya’t nakatanggap sila ng mula P300,000 to P400,000 na grant o funding kung saan lahat ng mga miyembrong OFW ay accredited /member ng OWWA.