KORONADAL CITY – Emosyonal na nagpasalamat sa Bombo Radyo Philippines ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nakauwi ng ligtas sa Pilipinas mula sa Saudi Arabia.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Ariel Rilojas, 49, residente ng Norala, South Cotabato at isang surveyor sa Saudi Arabia, labis nitong pinapasalamatan ang Bombo Radyo at si Bombo international correspondent Boyet Forro matapos ang kalbaryo nito at mga kasamahang OFW sa ibang bansa.
Ayon kay Rilojas, halos isang taon umanong silang hindi pinapasahod ng kanilang kompaniyang Project Belt Company hanggang sa tuluyan na itong nalugi.
Maliban dito, nasunog din umano ang kanilang tinutuluyang shelter at walang naisalbang gamit at hindi na sila kakakain nang wasto.
Kasabay nito, personal na humingi ng tulong ang ina ni Rilojas sa Bombo Radyo Koronadal.
Agad namang nakipag-unayan ang himpilan kay Bombo Boyet para sa pagproseso ng mga deportation documents at koordinasyon sa mga kaukulang opisyal.
Iniulat naman Forro na agad ding nagpaabot ng tulong si Labor Attache Nasser Mustafa ng POLO-Riyadh upang mapadali ang proseso sa pag-uwi ng pitong OFW sa Pilipinas.
Sa ngayon, kapiling na ni Relojas ang kanyang pamilya.
Ipinabot din nito ang pasasalamat ng anim pang kasamahan nito sa Bombo Radyo Philippines.