ILOILO CITY – Pitong ospital sa Western Visayas ang humingi ng pahintulot sa Department of Health (DOH)-Region 6 upang magsagawa ng real-time reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Dr. Renilyn Reyes, COVID-19 spokesperson ng DOH-6, sinabi nitong sa nasabing bilang, tigdadalawa ang mula sa Negros Occidental, Bacolod at Iloilo at isa naman sa lalawigan ng Aklan.
Ang dalawang ospital sa Negros Occidental ay ang Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital at Teresita Jalandoni Provincial hospital na sa ngayon ay nasa stage 3 na bago pahintulutang magsagawa ng test.
Maging ang Bacolod Queen of Mercy Hospital at Bacolod Doctor’s Hospital ay naghahanda na ng kanilang sertipikasyon.
Sa Iloilo naman, nakahanda na rin na magsagawa ng RT-PCR test ang West Visayas State University Medical Center at Metro Iloilo Hospital and Medical Center at maging ang Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital sa lalawigan ng Aklan.
Sa ngayon, umabot na sa 113 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Western Visayas, 81 ang naka recover, at 10 ang naitalang patay.