-- Advertisements --

(Update) Hinarang ng Bureau of Immigration (BID) ang pag-alis sa bansa ng pitong indibidwal na may apelyido na Maute o kaanak na pawang mga pasahero ng isang commercial airline na aalis sana nitong Lunes ng hapon patungong Kuala Lumpur, Malaysia.

Kabilang sa mga naharang sina Abdulcahar Maute, Al nizar Maute, Abdulrahman Maute, Yasser Maute, Ashary Maute, Mawiyag Cota, Acmali Mawiyag.

Lumalabas na apat umano sa mga ito ay may arrest order batay sa ipinalabas ng Department of National Defense kaugnay sa umiiral na Martial Law sa Mindanao.

Pinakabata umano sa mga ito ay nasa 17-anyos.

Ang mga ito ay itu-turn over sa PNP-CIDG.

Una rito ang pito ay pansamantalang pinigil ng airport police at isinailalim sa interogasyon.

Kinumpirma rin ni Charo Logarta, tagapagsalita ng Cebu Pacific, dinala sa tanggapan ng airport police ang pito para sa kaukulang beripikasyon.

Pasakay na sana ang mga ito sa flight 5J499 na ang alis ay alas-2:10 ng hapon at ang dahilan umano ay para sa Muslim studies o educational purposes sa Kuala Lumpur.

Ayon naman kay Atty. Maria Antonette Mangrobang, spokesperson ng Bureau of Immigration, ang tatlo sa mga nabanggit ay pinalaya na rin.

Ang mga ito ay wala raw derogatory record pero pinigil pa rin ang mga ito dahil kasama sila ng apat na merong record sa mga otoridad.