-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Ligtas na ngayon ang pitong pasahero kabilang ang tatlong menor de edad matapos ma-rescue ng Philippine Coast Guard sa isang motorbanca sa bisinidad ng karagatang sakop ng Barangay Sawang, Capul Island, Northern Samar.

Nabatid na mula ang mga ito sa Rizal sa lungsod ng Sorsogon at patungo sana sa Zumarraga, Western Samar.

Subalit pagdating sa karagatan ng Cataingan, Masbate, nag-overheat ang makina ng bangka na sanhi ng pagputok nito.

Dahil dito, nagtamo ng pinsala ang flooring ng sasakyang pandagat at freeboard.

Agad naman na nagtungo sa lugar ang search and rescue (SAR) team ng kan PCG Station Northern Samar, PCG Sub-Station Allen at Clearing Outpost (COP) Capul matapos magpasaklolo ang mga pasahero.

Dinala na ang mga ito sa Barangay Dagom, Calbayog City upang makasama ang kanilang mga kamag-anak.