Pito ang patay habang 22 ang sugatan matapos sumiklab ang panibagong engkwentro kaninang umaga sa Sitio Atol, Barangay Latih, Patikul, Sulu dakong alas-6:50 ng umaga.
Umaabot sa apat na terorista mula sa Abu Sayyaf group (ASG) ang patay habang tatlo rin ang nasawi sa mga sundalo.
Sinasabing 13 pang sundalo at siyam na mga bandido ang sugatan sa matinding bakbakan.
Ayon kay WesMincom spokesperson Col. Gerry Besana, nagsasagawa ng combat Operations ang mga tropa ng 5th Scout Ranger Battalion nang makaengkwentro nila ang tinatayang nasa 80 mga ASG members.
Sinabi ni Besana, ang mga kalaban ay kabilang sa grupo ni Hatib Hajan Sawadjaan.
Iniulat naman ni Joint Task Force Sulu spokesperson Lt. Col. Gerald Monfort, minor injuries ang tinamo ng mga sugatang sundalo at kasalukuyang nagpapagaling na sa hospital.
Una nang naglunsad ng malawakang opensiba ang Joint Task Force Sulu noong nakaraang linggo laban sa pinagsanib na pwersa ni Abu Sayyaf leaders Radulan Sahiron at Sawadjaan na umano’y nagtipon tipon sa Patikul, Sulu.
Matapos ang inisyal na tagumpay ng militar sa unang bugso ng aerial at ground assault kung saan umano’y sugatan si Sahiron, dito na nagkahiwa-hiwalay sa mga mas maliliit na grupo ang orihinal na tinatayang 200 ASG members.