-- Advertisements --
ILOILO FLOODS URSULA

ILOILO CITY – Umaabot na sa pitong katao ang patay bunsod ng pananalasa ng bagyong Ursula sa lalawigan ng Iloilo.

Ang unang biktima ay si John Dayal, 15, ng Brgy. Dulunan, Pilar, Capiz.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Nissan Dayal, ina ng biktima, sinabi nito na na nalunod ang kanyang anak matapos maligo sa palayan na puno ng tubig baha sa kanilang lugar.

Ayon sa ina, inanod pa ang kanyang anak ng rumaragasang tubig at ang kanyang bangkay ay natagpuan sa bayan ng Balasan, Iloilo.

Ang pangalawa at pangatlong biktima ay sina Danilo Avendanio, 62, at Henry Alfuente, 56, pawang residente ng Poblacion Sur, Balasan.

Si Avendanio ay binawian ng buhay dahil sa hypothermia dulot ng sobrang lamig sa evacuation center.

Samantala, si Alfuente naman ay namatay dahil sa cardiac arrest.

Patay rin ng matagpuan ang ama na si Roel de Asis, at mga anak nito na si Mimi at Yanyan de Asis na tinangay ng rumaragasang tubig sa ilog sa Brgy. Pasayan Batad Iloilo.

Isang tripulante naman ang natagpuang patay sa dalampasigan matapos inanod ng malakas na alon ang binabantayang bangka sa Brgy. Alinsolong Batad, Iloilo.

Ang biktima ay si Boboy, residente ng Dueñas Iloilo at nagtamo ng malalang sugat sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, umabot naman sa pito ang patuloy na pinaghahanap matapos tangayin ng tubig baha sa Lalawigan ng Iloilo.