-- Advertisements --
naga camsur

NAGA CITY – Patay ang pitong katao matapos ang nangyaring sunog sa isang apartment sa Brgy. Vinagre, Tigaon, Camarines Sur.

Kinilala ang mga biktima na sina Angelica Cea, 23; Jayson Verdejo, Gerald Cea, 13; Leana Isabel Cea, 7; Aliyah Cristina Cea, Art Jay Don Verdejo, 3, at isa pang unidentified na menor de edad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay SFO1 Jonathan Boncodin ng Bureau of Fire Protection-Tigaon, sinabi nito na agad umano silang rumesponde matapos na mai-report sa kanila ang nasabing insidente.

Ngunit ayon kay Boncodin, malaki na ang apoy ng dumating sila sa nasabing lugar.

Ayon dito gawa sa mga light materials ang nasabing apartment kung kaya mabilis itong kinain ng apoy,

Samantala, nagtagal pa ng isang oras bago tuluyang ideklara na fire-out na ang dalawang palapag na apartment.

Kaugnay nito agad umanong nagsagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad at doon na nadiskubre ang katawan ng mga biktima na magkakasama sa isang sulok ng nasabing apartment.

Batay sa imbestigasyon, kandila ang pinagmulan ng sunog, kung saan tinatayang aabot sa P1 million ang pinsala na naiwan ng naturang insidente.

Sa ngayon panawagan na lamang ni Boncodin sa mga residente na mag-ingat sa paggamit ng kandila at gasera dahil sa posibleng kapahamakan na dala nito.

Una na rito, kasalukuyan pa ring walang supply ng kuryente ang maraming bayan sa lalawigan ng Camarines Sur dahil sa pananalasa ng supertyphoon Rolly.