BAGUIO CITY – Walang mga Pinoy na apektado sa mga nangyayaring demonstrations dahil sa tangkang kudeta sa Caracas, Venezuela na nagsimula noong Martes.
Kinumpirma ito ng Philippine Embassy in Brazil na may sakop sa bansang Venezuela sa panayam ng Bombo Radyo Baguio.
Ayon sa Embahada, matagal nang naakalis sa Venezuela ang mga Pinoy na nagtatrabaho bago pa mang magsimulang mag-deteriorate ang political situation sa naturang bansa.
Sinabi na ng embahada na may pitong mga Pinoy na nakakulong sa labas ng Caracas, ang kabisera ng Venezuela, ngunit ang mga ito ay nasa loob ng mga well-guarded prisons at walang mga demonstrations sa mga nasabing lugar.
Noong Miyerkules ay aabot sa 46 na katao ang sugatan sa kaguluhan sa pagitan ng opposition supporters at security forces.
Ito ay matapos tanggakin ni opposition leader Juan Guaido na maglunsad ng malawakang protesta para mapatalsik si Venezuelan President Nicolas Maduro mula sa pwesto.
“On the demonstrations held in Caracas, Venezuela on 30 April and 01 May, the Philippine Embassy in Brazil would like to confirm that no Filipinos were reported to have been affected by the demonstrations. Filipinos working in Venezuela already fled the country as early as last year when political situation started deteriorating.”