Kinumpirma ng Leyte Provincial Police Office na sinampahan na ng kasong illegal possession of firearms at paglabag sa election gun ban ang pitong pulis na konektado umano sa pamamaril kay Albuera mayoral candidate Rolando “Kerwin” E. Espinosa Jr.
Ayon kay Police Colonel Dionisio Apas Jr., Provincial Director ng Leyte Police, 14 na armas ang nakumpiska mula sa mga pulis, kung saan ilan ay hindi rehistrado. Kabilang dito ang mga baril na riple at pistol.
Ani Apas, ang pito ay kasalukuyang nasa administrative custody at sasailalim sa administrative proceedings. Hindi pa tinutukoy ang kanilang mga pangalan, ngunit kinabibilangan sila ng isang police colonel, lieutenant colonel, staff sergeant, tatlong corporal, at isang patrolwoman.
Giit ni Apas, hindi pa sila itinuturing na suspek, kundi persons of interest habang patuloy ang imbestigasyon. Paliwanag niya, kaya una munang isinampa ang kasong paglabag sa gun ban.
Sa isinagawang paraffin test, lumabas na negatibo ang pito, pero positibo naman sa gunpowder residue ang lahat ng 14 na baril na nakuha mula sa kanila.
Ayon kay Police Lt. Col. Vivien Malibago ng forensic unit, ang negatibong resulta ng paraffin test ay hindi konklusibo, dahil maraming salik ang maaaring makaapekto tulad ng pagsusuot ng gloves, haba ng baril, at kondisyon ng kapaligiran.
Matatandaang binaril si Espinosa noong Abril 10 habang nasa isang campaign event. Tinamaan siya sa kanang balikat, habang nasugatan din ang kanyang kapatid at isang menor de edad.
Sinabi ni Espinosa na posibleng pulitika ang motibo ng pamamaril sa kanya.