-- Advertisements --

CEBU CITY – Buhos ang emosyon ng mga tao sa Barangay Ermita sa lungsod ng Cebu sa huling araw ng pito sa siyam na Cebuano na namatay sa trahedya sa Iloilo Strait.

Nakatakdang ilibing ngayong ala-1:00 ng hapon ang mga labi nila Bernardo Janson; Jared Janson; Angelina Baguio; Romeo Baguio Sr.; Romnel Baguio; Danielle Baguio; at Danilyn Baguio.

Ngunit bago pa man ang libing ay may isasagawang requiem mass sa Our Lady of Mount Carmel Parish.

Inaasahan din ang pagdalo ni Cebu City Mayor Edgardo Labella na una nang nangakong hindi pababayaan ang mga nasabing pamilya.

Habang inamin ni Jason Janson, anak ni Bernardo Janson na isa sa mga namatay, na masakit para sa kanilang pamilya ang mawalan ng padre de pamilya ngunit kailangan umano nilang tanggapin ang nangyari at magpakatatag.

Kaugnay nito, inihayag ni Ermita Barangay Captain Mark Miral na pagkatapos ng libing ay magsasagawa sila ng pagpupulong kasama ang Janson at Baguio Family kung saan pag-uusapan ang susunod nilang gawin kasama na rito ang sinasabing insurance na makukuha ng mga nasabing pamilya.

Gayunpaman, nilinaw ni Miral na wala na silang balak na maghain ng kaso dahil tanggap diumano ng mga pamilya na isang aksidente ang nangyaring trahedya.