DAVAO CITY – Isinailalim sa preventive suspension ang pitong Senior High Students ng Saint Mary’s College of Tagum sa Tagum City, Davao del Norte na sangkot sa insidente ng bullying.
Ayon kay Erwin Sabordina, ang Data Privacy Officer & Institutional Discipline Coordinator ng SMC Tagum College, natapos na ang kanilang imbestigasyon hinggil sa insidente na unang kumalat sa social media sa pamamagitan ng post ng ina ng isa sa mga biktima.
Dumalo si Sabornido sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod ng Tagum kung saan ibinunyag niya ang pag-usad ng imbestigasyon hinggil sa insidente.
Paliwanag ng naturang opisyal, hindi lang isang beses nangyari ang insidente dahil nauulit ito nang maraming beses.
Natigil lamang ito nang magkaroon ng lakas ng loob na magsumbong sa kanila ang isa sa mga biktima.
Napag-alaman na kamakailan lamang natapos ang imbestigasyon at muling ipinatawag ng pamunuan ng paaralan ang mga sangkot, ngunit 5 lamang sa mga ito ang nagpakita kasama ang kanilang guardian.
Tiniyak din ni Sabornido na isusumite nila ang resulta ng imbestigasyon sa mga awtoridad ngayong linggo.