BUTUAN CITY – Pitong mga sibilyan kasama na ang dalawang mga bata ang dinukot ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa boundary ng Tandag City at bayan ng Lanuza na parehong sakop ng lalawigan ng Surigao del Sur.
Kinilala ni 1st Lt. Jonald Romorosa ng Civil Military Operations (CMO), 36th Infantry Battalion, Philippine Army, ang mga dinukot na sina Ryard Badiang, 24; Wendil Delicuna, 25; Angelo Duazo, 34; Moni Bulando, 20; Rodelo Montenegro, 40; at dalawang mga batang nasa edad na walo at 12-anyos, pawang residente ng Sitio Ibuan, Brgy. Mampi, sa bayan ng Lanuza.
Napag-alamang nangunguha umano ng kahoy na panggatong sa ilog ang mga biktima nitong nakalipas na araw nang sila’y harass-sin at binihag ng pitong armadong kalalakihan.
Itinali umano sina Ryard Badiang, Wendil Delicuna, at Angelo Duazo at dinala sa bukiring bahagi ng Banahao, Brgy Maitom ng Tandag City habang binantaan ang apat na iba pa at saka pinakawalan kinahapunan.
Ayon naman kay Lt. Col. Xerxes Trinidad, ang nasabing insidente ay isang malinaw na manifestation na gusto lang ng mga rebeldeng grupong labagin ang batas at hindi rerespetuhin ang international humanitarian law lalo na’t kasama sa kanilang binantaan ay ang mga bata.