KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pagsabog ng Improvised Explosive Device (IED) sa bahagi ng national highway, Barangay San Mateo, Aleosan, North Cotabato na nagresulta sa pagkasugat ng pitong mga indibidwal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PEMS Randy Hampac, Information Officer ng Aleosan PNP, nangyari ang pagsabog sa isang unit ng Mindanao Star na may body number 15511 alas-8-15 kaninang umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina:
- Haron Solaiman Jr., 5 months old at residente ng Kidapawan City
- Yushra Solaiman 3 taong gulang na residente ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao
- Benjamin Solaiman, 5 taong gulang at residente ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao
- Rodolfo R. Castillo, 67 taong gulang na residente ng Toril Davao City
- Lester Alkane Bautista, 17 taong gulang at residente ng Poblacion, Pikit, Cotabato
- Haron Solaiman Sr., 24 taong guoang, residente ng Kidapawan City
- Masid Benjamin, 25 taong gulang, residente ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao
Sa inisyal na imbestigasyon ay mula sa lungsod ng Davao patungo ng Cotabato City ang bus kung saan inilagay ang IED sa likurang upuan na may mga pasaherong nakasakay.
Sa lakas ng impact ay nabasag ang mga salamin ng nabanggit na bus at halos durog ang likurang bahagi nito.
Sa ngayon, inaalam pa ng mga otoridad kung anong uri ng IED ang sumabog at kung sino ang responsable sa pagpapasabog.
Agad naman na hinigpitan ang seguridad sa buong lalawigan ng North Cotabato dahil sa pangyayari.