LA UNION – Hinihintay pa rin ng pulisya ang pasya ng mga biktima sa nangyaring banggaan ng kotse at van sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Pagdaraoan, lungsod ng San Fernando, La Union.
Nabatid ng Bombo Radyo mula sa San Fernando City Police, nasa magkabilang panig umano ang magiging kahihinatnan ng kaso sa naturang aksidente na ikinasugat ng pitong katao.
Una rito, base sa imbestigasyon ng pulisya ay umagaw umano ng linya ang nagmaneho ng kotse na si Christian Dominic Calderon, 38, residente ng San Juan, La Union sa kasalubong nito na van na minamaneho ni Jessie Afos, 36, residente ng bayan ng Luna, La Union kaya nangyari ang aksidente.
Dinala sa ospital si Afos kasama ang anim mula sa pitong pasahero nito na nagtamo ng sugat sa katawan.
Mapalad naman si Calderon at ang isang sakay ng naturang van dahil hindi umano nagalusan ang mga ito.
Sinasabi na nasa impluwensya umano ng nakalalasing na inumin ang driver ng kotse nang mangyari ang aksidente.