(Update) CENTRAL MINDANAO – Umakyat na 17 katao ang nasugatan sa trak na nahulog sa bangin sa probinsya ng Cotabato.
Ayon kay Cotabato police provincial director Col. Maximo Layugan, lulan ang mga biktima sa isang Suzuki utility vehicle mula sa Asik-Asik Falls at pauwi na sana ng Jade Valley Homes sa Davao City ngunit pagsapit nila sa Camp Paulino Santos sa Barangay Dado, Alamada, North Cotabato ay biglang nawalan ng preno ang sasakyan.
Hindi na nakontrol ng driver na si Arlan Vic Kristoffer Billena ang manibela at diretsong bumulusok sa bangin.
Mabilis namang tinulungan ng mga sibilyan ang mga sugatan at dinala sa Alamada Community Hospital ngunit agad silang inilipat sa isang pagamutan sa Davao City.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng traffic unit ng Alamada PNP sa naturang pangyayari.