CAUAYAN CITY – Nakatakdang iuwi sa kani-kanilang probinsya ang pito mula sa 11 sundalo na nasawi sa combat operation kontra sa Abu Sayyaf Group (ASG) sa Patikul, Sulu.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Maj. Noriel Tayaban, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division na inaasahang ngayong araw ay kanilang sasalubungin sa Tactical Operations Group 2 Philippine Air Force at isasabay ang paggawad ng military honors.
Aniya, 10 sa 11 sundalong nasawi ay dating organic member ng 5ID mula sa tatlong battalion at isang brigade ang sumapi sa 11th Infantry Division noong nakaraang taon kung saan dalawa rito ay tubong lalawigan ng Isabela, habang ang iba ay nagmula sa probinsya ng Nueva Ecija, Mountain Province, at Cagayan.
Ayon kay Tayaban, nakahalf mast ngayon ang 5ID bilang pagbibigay-pugay at pagdadalamhati sa pagbibigay ng sakripisyo ng mga sundalong nasawi sa bakbakan sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Magugunitang nagsasagawa ng combat operation ang mga tauhan ng 21st Infantry Battalion ng Philippine Army nang makasagupa ang nasa 40 miyembro ng ASG sa Patikul.
Tumagal ang sagupaan ng halos isang oras bago tuluyang tumakas ang mga bandido.