BACOLOD CITY – Pinarangalan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pitong sundalong nasugatan matapos nakipagbakbakan sa rebeldeng grupo sa Himamaylan City, Negros Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa commander ng 303rd Infantry Brigade na si Brigadier General Benedict Arevalo, sinabi nitong nakatanggap sila ng impormasyon na mayroong temporary camp ang New People’s Army (NPA) sa Sitio Asaran, Barangay Buenavista, Himamaylan City.
Dahil dito, kanilang pinuntahan ang lugar at doon na nangyari ang palitan ng putok na umabot ng hanggang isang oras.
Habang nilulusob ng militar ang kuta ng NPA, kaagad silang pinaputukan ng anti-personnel improvised explosive devices (IED) kaya nagtamo ng mga sugat ang pitong sundalo.
Matapos ang isang oras, umatras din ang NPA sa direksyong hilagang-silangan ng nasabing barangay.
Nagpadala naman ng dalawang helicopters ang 303rd IB para magsagawa ng hot pursuit operation laban sa mga armadong grupo matapos ang bakbakan pasado alas-10:00 ng umaga kahapon.
Nasa mabuti na ring kondisyon ngayon ang pitong sundalo makaraang maisugod sa hospital.
Bilang bahagi na ng pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan kahapon, kaagad na binigyan ng medalya ng 303rd IB commander ang sugatang mga sundalo.
Samantala, nananiwala si Arevalo na may dalawang casualties sa hanay ng NPA dahil sa nakitang may mga hinihilang kasamahan ang mga tumakas na rebelde.