-- Advertisements --

Pitong sundalo ang sugatan sa dalawang magkahiwalay na sagupaan sa pagitan ng mga sundalong Scout Ranger at mga teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) sa Patikul, Sulu bandang alas-8:00 ng umaga at alas-4:20 nitong hapon ng Miyerkules.

Ayon kay Western Mindanao Command (WestMinCom) Commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana, nasa 30 ASG fighters sa ilalim ng grupo ni Hatib Hajan Sawadjaan ang nakasagupa ng 1st Scout Ranger Battalion sa Barangay Pangdanon, Patikul.

Halos isang oras ang sagupaan, bitbit ng mga bandido ang kanilang mga casualties habang papatakas.

Limang sundalo ang sugatan sa nasabing labanan at kasalukuyang ginagamot sa hospital.

Narekober mula sa encounter site limang IED, medical supplies, 30 gallon, detonating cord, empty shells ng 5.56mm at 7.62 mm link.

Nakubkob din ng mga sundalo ang pinagkukutaan ng teroristang Abu Sayyaf.

Habang nagpapatuloy ang clearing operations muling nakasagupa ng mga sundalo ang nasa 10 ASG members sa Barangay Tanum, Patikul.

Umigting ang 20 minutong labanan na ikinasugat ng dalawa pang sundalo.