Naghain ng kasong kidnapping at homicide ang pulisya laban sa 7 suspek sa pagdukot at pagpatay sa isang miyembro ng bukas-kotse gang sa Taal, Batangas City.
Ayon kay Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., Region 4A police chief, kasama ng pamilya ng biktima at mga testigo ang Batangas City police chief na naghain ng criminal complaint laban sa mga suspek sa provincial prosecutor.
Una rito, naging viral sa social media ang CCTV footage ng isang gasolinahan sa Taal, Batangas kung saan nahagip ang pagdukot ng mga armadong kalalakihan lulan ng dalawang van ang biktima na kinilalang si Eugene Del Rosario noong August 16 at natagpuan kinabukasan ang bangkay nito sa Sariaya town sa Quezon province na may tama sa bala ng baril sa ulo at katawan.
Ang naturang biktima ay miyembro ng bukas-kotse gang na nag-o-operate sa Calabarzon region kung kaya’t nakikitang motibo ng kapulisan sa pagpatay kay Del Rosario ay paghihiganti.
Isiniwalat din ng pamilya ni Del Rosario na sinabi noon ng biktima ang mga pagkakakilanlan ng miyembro ng gang group na nagresulta naman sa pagkakaaresto sa iba pa.
Sa kasalukuyan nananatiling at large pa rin ang lahat ng mga suspek.