ILOILO CITY – Patay ang pitong taong gulang na bata matapos ginahasa at sinakal umano ng sariling ama sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Loong, Concepcion, Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Samuel Vipinosa, hepe ng Concepcion Municipal Police Station, sinabi nito na inamin mismo ng ama ang naturang krimen.
Idinahilan rin ng suspek na lasing ito nang mangyari ang panggagahasa kaya’t inakala umano nitong asawa niya ang kaniyang anak.
Sa imbestigasyon ng pulis, nangyari ang krimen sa loob ng kuwarto kung saan natutulog rin ang asawa ng suspek at ang iba pang anak.
Ayon kay Vipinosa, pipi ang biktima kaya hindi ito nakahingi ng tulong kahit katabi lamang nito ang ina at kapatid.
Sa ngayon, hinihintay na lamang ng Concepcion Municipal Police Station ang resulta ng autopsy sa bangkay ng biktima para ma-file na ang kasong Rape with Homicide o Parricide laban sa suspect depende sa resulta ng medico legal examination.