Nagbabala ngayon ang Bureau of Immigration (BI) sa mga Pinoy na nagbabalak mag-abroad na huwag nang tangkaing umalis ng bansa nang walang kaukulang dokumento.
Kasunod na rin ito ng pagkakaharang ng BI officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng pitong undocumented overseas Filipino workers (OFWs) na nagtangkang umalis sa bansa matapos magpanggap na mga turista.
Ayon kay Port Operations Acting Chief Grifton Medina, matapos maharang, inamin umano ng pito na hindi sila mga turista kundi aalis sa bansa at magtatrabaho sa ibayong dagat.
Nag-ugat ang pagkakaharang sa mga suspek nang sumabay ang mga ito sa babaeng nasa alert list ng BI at suspected human traffickers na nagpa-facilitate sa deployment ng undocumented workers abroad.
Ang mga OFWs ay na-intercept sa NAIA Terminal 2 at 3 at ilan sa mga ito ay papuntang Hong Kong, Malta at Turkey.
Lumalabas na nagbigay ang mga Pinoy ng P500,000 sa handler para sa pagproseso sa kanilang travel documents at visas.
Ang pitong pasahero ay itinurn over na sa NAIA Task Force Against Trafficking in Person (NAIATFAT) para sa karagdagang imbestigasyon.
“They were not allowed to leave after they admitted under questioning that they are not tourists but are actually going abroad to work,” wika ni Medina.