-- Advertisements --

Nananatiling positibo ang pamunuan ng PBA na maipagpapatuloy muli ang 45th season bago magtapos ang taon.

Sa kabila pa rin ito ng walang kasiguraduhang sitwasyon dahil sa kinakaharap ng buong mundo na COVID-19 pandemic.

Sa isang virtual forum, sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial na kumpiyansa ito na babalik sa normal ang operasyon ng liga at makapagsagawa ng kahit isang conference sa kanilang 2020 calendar.

Tinanong din ang opisyal kung sa bilang na 1-10 ay gaano kalaki ang tsansa na matutuloy ang mga laro sa PBA.

“Seven to eight sa akin na matutuloy. Ako sa akin, makakalaro pa talaga tayo kahit isang conference this year,” wika ni Marcial.

Hinihintay pa sa ngayon ng liga ang tugon ng Inter-Agency Task Force sa isinumiteng protocols ng PBA para sa posibleng pagbabalik muli ng mga team practice.

Bagama’t wala silang kongkretong timeline, inihayag ng PBA official na sakaling pagbigyan ang kanilang apela, hindi lamang daw ang liga ang makikinabang dito kundi pati na rin ang Philippine sports.

Samantala, ang pagpapatuloy ng ibang mga contact leagues sa ibang bansa, gaya ng pagbabalik ng NBA season sa susunod na buwan, ay maganda aniyang test case na maaaring maging batayan para makumbinsi ang task force sa kanilang apela.

“Nakikita nila (IATF na) hindi lang NBA, pati EuroLeague, football, yung baseball yata magsisimula na rin. At ibang basketball leagues sa China, Korea. So malaking bagay sa amin yun,” anang PBA chief.

“Makakatulong yun para ma-convince ang Task Force. Malaking tulong yung mga liga na yun. Maliit man o malaking liga, makakatulong sa PBA.”