-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Inihandan na ang mga dokumento sa pagsasampa ng kaso laban sa responsable sa pamamaril-patay sa 70-anyos na lola kaninang alas 7:00 ng umaga sa bukiring bahagi ng Purok-20, Barangay Poblacion sa Prosperidad, Agusan Del Sur.

Nakilala ang biktima na si Eufemia Pugahan, 70-anyos, may-asawa habang ang suspek ay nakilalang si Mike Guibao, 34-anyos, may-asawa at residente rin sa nasabing lugar.

Ayon kay Police Lt. Col Wilson Curpoz, hepe ng Prosperidad Municipal Police Station sa panayam ng Bombo Radyo Butuan, habang nagbabantay ang biktima sa kaniyang tindahan, bigla itong nilapitan ng suspek at pinagbabaril sa maraming bese gamit ang armalite.

Nagtamo ng tama ang biktima sa leeg, tiyan, paa at dibdib na siyang dahilan sa agarang pagkamatay nito.

Narekober sa crime scene ang isang unit ng M16 rifle, at 13 basyu ng bala. Sa ginawang hotpursuit operation ng pulisya ay naaresto ang suspek.

Ayon kay Police Lt. Col. Curpoz na base sa pahayag ng suspek, labis ang galit nito sa nasabing lola dahil sa kaniyang paniniwala na ito ang nagkulam sa nagkasakit niyang ina. Sa ngayon ay inaalam kung saan nakakuha ng baril ang suspek na isang bodyguard.