-- Advertisements --

Hindi umano malimutan ng 70-anyos na si Cesar Echano ang naranasan niyang hate attack habang ito ay nasa parke.

Kuwento nito na noong Hunyo 5 naglalakad ito kasama ang asawa sa Don Knabe Community Regional Park sa Cerritos, California ng isang lalaki na nasa edad 20 ang lumapit sa kanila.

Dito ay pinagmumura sila ng hindi pa kilalang lalaki.

Sinasabing nagtungo na sila sa kanilang sasakyan subalit sinundan pa sila ng lalaki at siya ay sinuntok habang nakaupo sa loob ng sasakyan.

Agad itong nagtungo sa pagamutan para ipagamot ang black-eye na natamo at hindi na rin nakuhanan ng larawan ang umatake sa kaniya.

Lumapit na ang mag-asawa sa mga kapulisan at umaasang makakuha ng kopya ng CCTV footage para sa pagkakakilanlan ng suspek.

Sa 30 taon daw na paninirahan ng mag-asawa sa US ay ngayon lamang sila nakaranas ng ganoong insidente kaya takot na silang lumabas pa.

Maglulunsad naman ng solidarity walk ang ilang grupo ng Filipino sa lugar kung saan nangyari ang pananakit kay Echano.

Isasagawa ito sa darating Hunyo 20 kung saan inimbitahan din ang ilang mga opisyal sa lugar.