CENTRAL MINDANAO-Kumpiyansa si City Mayor Joseph Evangelista na maa-abot ng lungsod ang inaasam sa 70% herd immunity laban sa Covid19 pagsapit ng Enero 2022. Nitong Nov 30, 2021 ay nasa 102,000 na na mga Kidapawenyo ang nakatanggap na ng first dose ng bakuna mula sa 110,000 na target na mabigyan nito, ipinahayag ni Mayor Evangelista sa isinagawang emergency meeting ng City Disaster Risk Reduction and Management Council o CDRRMC ngayong araw ng December 1, 2021.
Binilisan na ng City Government ang pagbabakuna ng lahat ng mga priority eligible population dahil na rin sa mga dagdag na bakunang ibinigay ng Department of Health o DOH.
Ang 70% na bilang ng mga nabakunahan ay sapat na para makamit ang herd immunity upang makontrol ang pagdami ng kaso ng Covid19.
Sinabi rin ni Mayor Evangelista na sisimulan na ng City Government of Kidapawan ang pagbibigay ng booster shots para sa mga Senior Citizens o A2 Priority group simula sa susunod na linggo.
Pagkatapos na mabigyan ng booster shot ang mga nakakatanda ay tuloy-tuloy na rin ang pagbibigay ng booster shots para naman sa mga mga Adults with Co-Morbidities, Essential Workers at Indigent Population na nasa ilalim ng A3, A4 at A5 Priority groups.
Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang pagbabakuna para naman sa mga 12-17 years old na mga bata sa ilalim ng Pediatric Vaccination group.
Kaugnay nito, ay pansamantala munang ititigil ang vaccination roll out ng City Government mula December 23, 2021 hanggang January 2, 2022 upang mabigyan ng pagkakataon na makapagdiwang ng Pasko at Bagong Taon ang mga medical frontliners at vaccination teams na siyang naatasang magbigay ng anti-Covid19 vaccines.
Pinapayuhan pa rin ang lahat na magpabakuna at sumunod sa itinatakdang minimum health protocols lalo na at posibleng makapasok ang pinangangambahang Omicron variant ng Covid19 sa bansa sa kalaunan, ayon pa kay Mayor Evangelista.