-- Advertisements --

Pumalo na sa 70,000 ang mga nagsilikas mula sa Marawi City bunsod ng kaguluhan dulot ng mga teroristang Maute.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) acting Secretary Catalino Cuy, nasa Lanao del Norte ang bulto ng evacuees na may bilang na 36,000; 25,000 evacuees naman ang nasa Iligan City; at 4,000 ang nasa Cagayan de Oro City.

Tig-1,000 evacuees naman ang nagtungo sa Bukidnon at Misamis Oriental.

Sinabi ni Cuy na ginagawa na nila ang lahat para tugunan ang mga pangangailangan ng libo-libong evacuees.

Aniya, sa Lanao del Norte ay walang problema sa supply ng pagkain at iba pa dahil naroon ang buhos ng mga donasyon.

Tinututukan ng DILG ngayon ang mga nagsilikas na hindi nabibigyan ng mga relief goods.

Samantala sa datos ng Armed Forces of the Philippines, umakyat na sa higit 1,600 na mga sibilyan ang na-rescue ng mga sundalo sa nagpapatuloy na clearing operations.

Maingat din ang militar sa kanilang operasyon sa Marawi dahil ginagamit ng mga teroristang Maute bilang human shield ang ilang mga sibilyan.

Binigyang-diin ni Padilla na pinapahalagahan ng militar buhay ng mga sibilyan kaya nagpapatuloy ang kanilang operasyon para matiyak na may mga buhay silang mailigtas.