LEGAZPI CITY – Inaaksyunan na ng Department of Education (DepEd) ang isyu sa naitalang higit 70,000 mag-aaral sa elementarya sa Bicol na hirap magbasa ng English at Filipino.
Ang naturang tala ay mula sa isinagawang pretests ng Philippine Informal Reading Inventory (Phil-IRI) sa pagitan ng Hulyo at Agosto 2019.
Inisyatiba ito ng ahensya upang matukoy ang performance ng mag-aaral sa oral reading, silent reading at listening comprehension.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DepEd Bicol Director Gilbert Sadsad, bumaba na rin aniya ang naturang bilang sa ngayon sa tulong na rin ng 5Bs o Bawat Batang Bicolano Bihasang Bumasa, na pinasimulan noong Disyembre 2019.
Aniya, mataas ang na-identify na “struggling readers” na 5% ng kabuuang bilang o mula sa 1.8 million na isinailalim sa pretests.
Kabilang sa mga tinitingnang salik dito ang kakulangan ng reading materials, hindi gaanong epektibong pagtuturo sa pagbasa o mismong ang estudyante ang may special need kaya hirap makabasa.
Samantala, ibinahagi ni Sadsad na bumaba na rin ang bilang ng mga “non-readers” sa rehiyon dahil sa ipinatupad na remedial reading, positive discipline sat iba pang intervention ng paaralan.
Transparency lamang aniya ang nilalayon ng paglalabas ng data kakabit ng paghingi ng tulong sa mga magulang at komunidad dahil hindi lamang aniya sa eskwelahan nagtatapos ang pag-aaral.