-- Advertisements --
image 90

Kayang mapanumbalik ang sigla ng ekonomiya ng ating bansa sa pamamagitan ng tumataas na bilang ng mga Pilipino na may trabaho ayon sa Commission on Population and Development (POPCOM).

Lumalabas sa 2020 Census of Population and Housing ng Philippine Statistics Authority (PSA), mula sa kabuuang bilang ng indibidwal na 109,035,343, mahigit kalahati o katumbas ng 69.40 million ang nasa edad 15 hanggang 64 taong gulang ang nasa working-age bracket.

Ang malaking bilang na ito ayon sa POPCOM ay isang oportunidad para mapataas ang socio-economic conditions ng bansa.

Inirekomenda naman ni POPCOM Officer in Charge-Executive Director (OIC-ED) Lolito R. Tacardon para maabot ang bilang na ito ng manggagawa sa bansa, kailangan na maging prayoridad ng pamahalaan na bigyan ng de kalidad na trabaho ang mga Pilipino habang tinutulungan ang mga ito na magkaroon ng kinakailangang skills ng mga industriya.

Sinabi pa ng POPCOM official na ang pagtaas ng bilang ng mga produktibong mga Pilipino ay resulta ng kampaniya para mapababa ang antas ng fertility at mortality sa buong bansa.

Binigyang diin din nito ang posisyon ng United Nations Population Fund na ang pagbaba ng antas ng fertility ay makakalikha ng mas maraming oportunidad para sa mga bansa para pagtuunan ang economic growth bunsod ng tumataas na bilang ng mga indibidwal na nagtratrabaho.