Aabot sa 70 katao ang napatay sa inilunsad na air strike ng Israel sa sa Al-Maghazi refugee camp sa sentro ng Gaza strip ayon sa Health ministry na pinapatakbo ng Hamas.
Ayon sa tagapagsalita ng health ministry na si Ashraf al-Qudra, tinatayang lolobo pa ang death toll dahil sa malaking bilang ng mga pamilyang naninirahan sa lugar.
Dose-dosena sa mga nasugatang indibidwal ay isinugod mula sa Maghazi patungo sa karatig na Al-aqsa Hospital kung saan makikita sa mga larawan ang mukha ng ilang mga bata na duguan at nakasalansan ang mga body bags sa labas ng ospital.
Ayon naman sa Palestine Red Crescent Society, hindi madaanan ang mga pangunahing kakalsadahan dahil sa air strike ng Israel sa pagitan ng Maghazi at 2 iba pang refugee camps kayat nahihirapan ang mga ambulansiya at rescue teams na marating ang mga refugee camps na tinamaan at maisalba ang mga biktima.
Sa panig naman ng Israel military, kanila ng tinitignan ang napaulat na air strike sa naturang mga refugee camp.
Ayon sa health ministry, mahigit 20,000 katao ang napatay, karamihan ay mga kababaihan at mga bata at 54,000 ang nasugatan sa Gaza simula ng sumiklab ang giyera.