Aabot daw sa 70 percent ng mga guro ang hindi kumbinsidong natututo talaga ang mga estudyante sa blended learning modality na ipinatutupad ng pamahalaan ngayong panahon ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Alliance of Concerned Teacher (ACT) Sec. General Raymond Basilio, base raw ito sa isinagawa nilang survey sa ilang guro na nagtuturo ngayong panahon ng pandemic.
Aniya, ito ay dahil hindi naman daw talaga naituturo ng mga guro ang aralin ng mga kabataan sa naturang modality at kailangan ang interaction sa mga estudyante.
Dahil dito, nababahala raw ang grupo ng mga guro na baka masayang lamang ang isang taon dahil sa hindi dekalidad na edukasyon.
Lumabas din ang mga ulat na nawawalan na ng interest ang mga batang sumasalang sa online classes.
Wala rin umanong matinong internet connection sa ilang bahagi ng bansa at mahal din ang internet connection na binabayaran ng mga magulang na umaabot sa P1,500 kada linggo.
Tanggap rin daw nila kung ang mga magulang ang sumagagot sa takdang aralin ng kanilang mga anak dahil na rin sa nakapahirap na learning modules.
Ikinalulungkot ng kanilang grupo na baka walang natututuna ang mga mag-aaral kapag nasa bahay lamang ang mga ito at pasulpot-sulpot na lamang sa kanilang online class.
Dahil dito, hinimok din ng guro ang pamahalaan na sana ay isulong ang makabuluhang sistema ng edukasyon dahil sa pagtatapos ng isang araw ay nais nilang makitang natututo ang kanilang mga estudyante.