(Update)KALIBO, Aklan – Nasa 70 pamilya ang nawalan ng tahanan at mahigit sa 287 individuals ang apektado kasunod ng malaking sunog na nangyari sa Barangay Balabag sa isla ng Boracay.
Batay sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Malay, sinabi ni Senior Fire Inspector Lorna Parcellano na nasa 1,500 sq. meters ang nilamon ng apoy sa dalawang oras na sunog na nag-iwan ng mahigit sa P22.5 milyong danyos.
Kinumpirma umano ng may-ari ng isang welding shop sa area na sa kanila nagsimula ang apoy na tumupok sa 60 istrakturang kinabibilangan ng mga establisyimento, residential at boarding houses na gawa sa light materials.
Samantala, sa tala naman ng Malay Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), nasa pitong katao ang nasugatan sa naturang insidente dahil sa pagkukumahog ng mga ito na masalba ang kanilang mga gamit at makatulong sa pag-apula ng apoy.
Sa ngayon ay pansamantalang sumilong sa covered court ng Barangay Balabag ang mga nabiktima ng sunog kung saan patuloy naman ang ibinibigay sa kanilang ayuda ng lokal na pamahalaan ng Malay.