-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Nagpatupad na ng forced evacuation ang lokal na pamahalaan sa bayan ng Itbayat para sa 288 na pamilya na biktima ng dalawang malakas na lindol sa Batanes.

Sa ngayon kasi ay nasa Tropical Cyclone warning signal No. 2 ang lalawigan dahil kay Bagyong Ineng.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dante Balao, regional director ng Office of Civil Defense, nasa halos 700 katao na naninirahan sa mga tent ang inilikas at dinala sa mga government structure na hindi naapektuhan ng lindol habang sa kanilang kamag-anak nakituloy ang ilan.

Una nang tiniyak ni Governor Marilou Cayco ang kanilang kahandaan sa magiging epekto ng bagyo kahit hindi pa man sila nakakabangon sa pinsala ng lindol.

Samantala, bukod sa Batanes ay minomonitor ng ahensya ang sitwasyon ng Cagayan river na sa kasalukuyan ay nasa mababang antas pa rin ang lebel ng tubig.