-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Umabot na sa mahigit 700 ang nakauwing overseas Filipino workers (OFWs) sa Bicol sa tulong ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ayon kay OWWA-Bicol Director Henry Miraflor sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, lahat nakapag-comply ng hinihinging dokumento kagaya ng medical clearance, negatibo sa COVID-19 swab test at nakatapos ng 14-day quarantine ang mga ito.

Ani Miraflor, sinundo ang mga ito ng service bus mula sa mga hotel o bahay kung saan pansamantalang manatili upang maibiyahe patungo sa kani-kaniyang lalawigan.

Nasa lokal na pamahalaan na rin umano ang desisyon kung i-oobliga ang mga ito na sumailalim sa panibagong quarantine at testing.

Sa iba pang nagnanais na makauwi, abiso ni Miraflor na makipag-ugnayan sa kanilang mga tanggapan, ibigay ang address at i-comply ang mga requirements upang matulungan.