Ipinagmalaki ni Vice President Leni Robredo na nasa 700 locally stranded individuals (LSIs) sa Metro Manila ang natulungan ng kanyang tanggapan na makabalik ng kani-kanilang probinsya ngayong linggo.
Sa isang pahayag, sinabi ni Robredo na karamihan sa mga ito ay ang mga pansamantalang nanirahan sa Baclaran Church sa lungsod ng Paranaque.
Patungo ang naturang LSIs sa Sorsogon, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes at Masbate.
“Kabilang na rin sa daan-daang nabigyan natin ng assistance nitong mga nagdaang linggo ay ang mga kababayan nating nagbaka-sakaling makahanap ng paraang makauwi: iyong mga kilo-kilometro ang nilakad, mga wala nang mapagkunan ng pang-upa sa tinutuluyang lugar at mga sabik nang makapiling ang kani-kanilang mga pamilyang inaalala sa gitna ng krisis na ito,” saad ni Robredo.
Paliwanag ng bise, bawat LSI ay kailangang magpresinta ng medical certificate at authorization mula sa local government unit ng kanilang probinsya.
Maging ang kanilang mga temperatura ay titingnan din bago sumakay sa bus.
“Lubos tayong nagpapasalamat muli sa Redemptorist Church – National Shrine of Our Lady of Perpetual Help sa Baclaran, Parañaque at sa mga provincial governments ng Albay, Sorsogon, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes at Masbate sa kanilang walang sawang pakikipagtulungan sa ating Tanggapan,” anang bise presidente.