-- Advertisements --

Isasailalim ng Taiwan sa quarantine ang nasa 700 navy sailors makaraang makumpirma na dinapuan ng coronavirus ang tatlo sa mga ito matapos ang kanilang goodwill mission sa bansang Palau.

Ayon kay Health Minister Chen Shih-chung, tatlong Taiwan navy vessels ang bumisita sa Palau nitong kalagitnaan ng Marso, bago bumalik sa Taiwan matapos ang isang buwan.

Nasa iisang quarters lamang daw sa loob ng barko ang tatlong kumpirmadong kaso, ngunit pababalikin at ilalagay sa quarantine ang lahat ng 700 sailors sa tatlong mga vessel.

Kaugnay nito, bagama’t dumalo rin si President Tsai Ing-wen sa seremonya ng pagbabalik ng mga barko, kumaway lamang ito sa mga mandaragat sa pampang at hindi naman daw nalantad sa panganib.

Ito ang unang kaso ng coronavirus na naiulat sa hukbong sandatahan ng Taiwan.

Sa ngayon isinailalim na sa disinfection ang mga barkong sinakyan ng mga navy sailors.

Samantala, sinabi ng Palau President Tommy Remengesau na handa raw silang magpatupad ng lockdown mapanatili lamang ang zero coronavirus case sa kanilang bansa. (Reuters)