Inaasahan ng Bureau of Immigration (BI) ang hindi bababa sa 30 porsiyentong pagtaas sa bilang ng mga pasaherong darating sa Pilipinas sa muling pagbubukas ng bansa sa mga turistang banyaga.
Sinabi ni BI port operation division (POD) chief, Atty. Carlos Capulong na tataas hanggang 7,000 passenger arrivals ang kanilang inaasahan mula sa 4,816 passenger arrival na kanilang naitala noong araw ng Miyerkules.
Majority aniya sa mga ito ay kapwa mga Pilipino, habang nasa 27% naman ang inaasahang mga foreign nationals.
Sa kabilang banda naman ay sinabi ni Commissioner Jaime Morente na ang mga naturang bilang ay maaari pang madagdagan at tumaas sa 10,000 hanggang 12,000 daily arrivals sa mga susunod na buwan.
Magugunita na una nang in-anunsyo ng bureau ang muling pagbubukas ng PH borders sa international tourism simula ngayong araw, Pebrero 10, kung saan ay mapapayagang makapasok sa bansa ang mga fully vaccinated na mga foreign nationals na makakapagpakita ng mga kaukulang dokumento na itinakda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).