-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Hindi na nagawang mailigtas sa ospital ang isang 71-anyos na lolo matapos na mabagsakan ng malaking bato sa Brgy. Lidong, Sto. Domingo, Albay.

Kinilala itong si Melchor Balderama na residente ng naturang bayan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay P/Cpt. Genevieve Oserin, hepe ng Sto. Domingo PNP, nagtungo sa quarry site ang lolo kasama ang kaibigan upang kumuha ng graba at buhangin.

Subalit laking pagkabigla ng mga ito nang gumuho ang isang malaking bato at mabagsakan si Balderama.

Nabatid na nasa 8 hanggang 10 metro ang taas ng pinagkukunan ng mga ito ng buhangin at bato.

Umabot pa sa 30 minuto hanggang isang oras bago nakahingi ng saklolo ang kasama nito sa pangamba na mabagsakan rin sakaling may mahulog pang bato.

Ayon pa sa hepe, pahirapan maging ang pagkuha ng lalaki sa ilalim ng bato kaya kinailangan pa ang maraming rescuer at pulis sa pagbuhat.

Itinakbo sa pagamutan ang lalaki subalit idineklara nang dead on arrival ng doktor.