DAGUPAN CITY — Mabilis na nailikas ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Batangas ang umaabot sa 8,000 residente sa danger zone ng Taal volcano matapos itaas ang alert status ng Taal sa Alert Level 2 kasunod ng naitalang phreatic eruption kaninang hapon.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni PDRRMO Batangas head Lito Castro, nito lamang bago mag-alas-6 ng gabi, nailikas na nila ang nasa walong libong residente na nakatira sa danger zone ng bulkan matapos na maitala bandang 2:30pm ang Phreatic Eruption.
Sa ngayon, ay kakatapos lamang aniya ng kanilang pagpupulong kasama ng iba pang concerned agencies upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente sa lugar matapos ang naturang aktibidad ng bulkan.
Sa ngayon ay may ipinalabas ng ashfall Adivsory kung saan maging ang lalawigan ng Pangasinan partikular na ang eastern portion nito ay narating narin ng abu matapos ang Phreatic Eruption ng bulkan.
Bukod dito, kabilang din ang Cavite, Rizal, Northwestern portion ng Quezon, Metro Manila, Bulacan, Pampanga, Bataan, Tarlac, Nueva Ecija at Southeastern portion ng Zambales ang napabilang sa Ashfall advisory.
Samantala, sa karagdagan pang impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Dagupan Newsteam, ideneklara na ni Batangas Gov. DoDo Mandanas ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa pribado man o pampublikong paaralan sa mga munisipalidad na malapit sa bulkan partikular nasa Talisay, Balete, Mataas na Kahoy, Cuenca, Alitagtag, Sta. Teresita, San Nicolas, Agoncillo, at Laurel.