-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Walang mapagsidlan ng saya ang 83-anyos na biyuda sa lungsod ng Bacolod makaraang mapili bilang grand prize winner sa grand draw ng One Two Panalo Part 19 Promo ng Bombo Radyo at Star FM.

Kasabay ng live draw, si Alicia Caba ng Purok Magbinuligay, Barangay Bata, Bacolod City ay nagdasal na siya ang mananalo ng kahit guaranteed prize man lang nitong Sabado ng hapon.

Nang hindi napili ang kanyang entries sa guaranteed prize, nagdasal ito na sana mapipili siya bilang regional prize winner o di kaya’y grand prize winner.

Kaya’t labis ang kanyang saya at pasasalamat makaraang mapili bilang ika-72 na milyonaryo sa mga promo ng Bombo Radyo.

Ayon kay Nanay Alicia, ang pera na kanyang napalunan ay ibibili nito ng bahay at maintenance na gamot dahil siya ay dumadanas ng diabetes at hypertension.

Si Nanay Alicia ay nabiyuda noong taong 1981 at may lima siyang mga anak.

Dahil mahirap ang kanilang buhay, nakatira ito sa isang tagpi-tagpi na kubo sa Purok Magbinuligay, Barangay Bata, Bacolod City.

Siya ay tinutulungan ng kanyang anak na may asawa at sa kabila ng kanyang edad, nagsisilbi rin itong dealer ng mga cosmetic products at RTWs para maka-komisyon.

Si Nanay Alicia ay nanalo sa daily draw ng promo sa week number 2 at week number 4 kaya’t naghulog ito ng mas maraming entries upang magkaroon ng pagkakataon na manalo ng mas malaking premyo sa grand draw.