CENTRAL MINDANAO – Nanatili pa rin sa mga evacuation centers sa bayan ng Pikit, Cotabato ang mahigit 1,000 pamilya na lumikas sa nangyaring engkwentro ng dalawang Moro fronts.
Wala nang mauwiang bahay ang mga bakwit dahil sinunog ito ng mga naglalabang pamilya sa Barangay Nunguan, Balongis at Balatikan, Pikit, North Cotabato.
Anim na mga bangkay din ang narekober ng Pikit Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa pangunguna ni Tahira Kalantungan.
Una nang sumiklab ang matinding engkwentro ng dalawang armadong pamilya na kapwa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF).
Personal umanong alitan sa pamilya ang ugat nang sagupaan nang naglalabang grupo sa hangganan ng Pikit at Pagalungan sa Maguindanao.
Agad namang namagitan ang MILF/GRP CCCH, Joint Adhoc Action Group, militar, pulisya, mga Muslim elders at mga lokal na opisyal kung saan nagkasundo ang dalawang pamilya na magdeklara ng tigil putukan.
Namahagi na rin ng tulong ang LGU-Pikit sa Pangunguna ni Mayor Sumulong Sultan, Vice-Mayor Muhyrin Sultan Casi at Pagalungan Mayor Datu Salik Mamasabulod kasama si Vice-Mayor Abdilah Mamasabulod sa mga sibilyang nagsilikas.