-- Advertisements --

Nasa 73% o halos tatlo sa bawat apat na Pilipino ang nagsabi na dapat humarap si Vice President Sara Duterte sa Senate impeachment trial upang sagutin ang mga alegasyon sa kanya kasama na ang kanyang pagbabanta kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Martin Romualdez, ayon sa isang suvey.

Ang survey ay ginawa mula Pebrero 10 hanggang 12 at kinuha ang opinyon ng 2,400 respondents gamit ang mobile-based platform upang makuha ang sentimyento ng publiko kaugnay ng impeachment case na kinakaharap ni Duterte.

Ayon sa survey, 51% ang sumusuporta sa impeachment case, samantalang 22% ang undecided, at 27% ang tutol dito.

Pinakamalakas ang suporta mula sa Luzon, partikular sa Metro Manila, Southern Luzon, Central Luzon, at Northern Luzon.

Pinakamalakas naman ang pagtutol sa Mindanao na kilalang balwarte ng mga Duterte.

Bukod sa assassination plot, kasama sa alegasyon laban kay Duterte ang iregularidad umano sa paggamit ng confidential fund ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd).

Nasa 51% naman ang payag na imbestigahan din ang umano’y hindi pagkakatugma sa yaman ng Bise Presidente at kanyang inilagay sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), samantalang 33% naman ang tutol dito.

Nakasama rin sa survey ang posibleng epekto ng impeachment sa 2025 mid-term elections.

Apat hanggang lima sa bawat 10 rehistradong botante ang nagsabi na malamang nilang iboto ang mga senatorial candidate na sumusuporta sa impeachment laban kay Duterte.

Samantala, 25% naman ang nagsabi na hindi nila iboboto ang pro-impeachment candidate at ang nalalabi ay wala pang desisyon.