-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Todo Pasasalamat ang ipinaabot ng 73 mga katutubo mula sa Sitio Lawitan, Kisupaan, President Roxas, Cotabato matapos nila tanggapin ang 7,300 coconut seedlings mula sa pamahalaang panlalawigan ng Cotabato.

Ang nabanggit na seedlings na may kabuuang halaga na abot sa P219,000 ay maaaring itanim sa 73 ektaryang sakahan ng mga katutubo ng nasabing barangay.

Ayon kay Timuey Danny Villanon, isang sitio leader, hindi nila inaasahan na agad tutugunan ng probinsya ang kanilang kahilingan na mabigyan ng maitatanim na niyog ang kanilang komunidad.

Pagsasaka ang pangunahing pangkabuhayan ng mga residente sa Sitio Lawitan Brgy. Kisupaan, ito ay may layong 32 kilometro mula sa Brgy. Poblacion, President Roxas.

Ang pamamahagi ng high valued crops sa mga IP communities ay bahagi ng Special Projects for IPs ng Provincial Governor’s Office-IP Affairs at Office of the Provincial Agriculturist na naglalayong tulungan ang mga magsasakang katutubo sa probinsya.

Noong nakaraang linggo abot din sa 2,700 na coconut seedlings ang ipinamahagi ng probinsya sa Sitio Kuyamangon, Liliongan, Carmen, Cotabato.